Ilang beses pa bang kakantahin,
Ang awiting may luhang pait?
Hanggang kailan pa titiisin,
Ang tanikalang nagpapahigpit?
Tumingin ka sa iyong paligid,
Bayan ng bayaning nag-alay ng buhay,
Bakit tila nasanay na sa paulit-ulit,
Sa dusa’t hirap na nagiging kulay?
Ipinagmamalaki ang ating katatagan,
Ngunit katatagan ba ang maging manhid?
Kapag ang abuso’y ginawang pamantayan,
At ang kapabayaan ay ipinagwawalang-bahid?
Hindi panaginip ang iyong kinalalagyan,
Ito’y totoong sugat na umaagos,
Ang pananahimik sa gitna ng labanan,
Ay pagsuporta sa gawang may gapos.
Gumising ka, mahal kong Pilipinas!
Idilat ang matang nakatitig sa dilim,
Bawiin ang dangal, itayo ang lakas,
Huwag nang itago ang galit sa lalim.
Ang pag-asa’y wala sa iisang pangalan,
Wala sa pangakong napapako sa hangin,
Ito’y nasa puso ng bawat mamamayan,
Na handang tumayo at ang bayan ay mahalin.
Gumising ka na. Bangon, aking Bayan,
Bago ganap na lumubog ang araw;
Sa iyong pagdilat at paglaban,
Ang tunay na laya ay muling sisikat at lilitaw.